Traslacion kanselado muli sa 2022 dahil sa COVID-19
Spread the news on:

(File photo)

Hindi magsasagawa ng tradisyunal na traslacion sa January 2022, ayon sa pamunuan ng Minor Basilica of the Black Nazarene o Quiapo Church.

Ito na ang pangalawang taon na hindi isasagawa ang relihiyosong pagtitipon ng mga deboto ng Nazareno dahil pa rin sa COVID-19 pandemic.

Sinabi ni Fr. Douglas Badong ng Quiapo Church, ang Feast of the Black Nazarene ay isasagawa kaparehas sa nangyari ngayong taon kung saan magdaraos lamang ng misa.

Ang tradisyunal na “pahalik” o paghalik sa imahe ng Itim na Nazareno ay hindi isasagawa.

Sa halip, magkakaroon lamang ng “pagpupugay” at “pagtanaw” para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.

Ayon kay Fr. Badong, walang mangyayaring prusisyon mula Quirino Grandstand dahil ginagamit pa rin itong field hospital para sa COVID-19 patients.

Matatandaang kahit kinansela ang traslacion nitong 2021 ay dumayo pa rin ang libu-libong deboto sa Quiapo church.

Dahil dito, sinabi ni Fr. Badong na pinaghahandaan nila sa 2022 ang bugso ng mga deboto sa simbahan.

Sinabi ng Philippine National Police (PNP) ipatutupad ang parehong protocols sa Kapistahan ng Black Nazarene gaya ng pagsusuot ng face mask, pagsusuot ng sinelas o sapatos at physical distancing.

(Toni Tambong)

 


Spread the news on:

Leave a Reply

Your email address will not be published.