Binata, binaril ng pulis dahil wala umanong suot na face mask; hustisya, sigaw ng pamilya ng biktima
Spread the news on:

Sumisigaw ng hustisya ang pamilya ng isang binatang taga-Bacolor, Pampanga matapos barilin at mapatay ng isang pulis dahil sa umano’y hindi pagsusuot ng face mask.

Kinilala ang napatay na si Abelardo Vasquez, 19 anyos.

Ayon sa ina ni Abelardo na si Lou, nagkukwentuhan lang noong Nov. 20 ang kanyang anak at mga pinsan nito sa labas ng bahay nila nang sitahin ng isang intelligence officer ng Pampanga police na si Cpl. Alvin Pastorin.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, sinabihan ni Pastorin ang grupo na umuwi na sa kanila ngunit nagkasagutan ang mga ito.

Ayon pa sa mga kabaro ni Pastorin, rumesbak pa umano si Abelardo kasama ang ilang kamag-anak.

Pinagbabato at kinuyog umano nila si Pastorin kaya nagawa nitong magpaputok bilang depensa.

Pero, hindi naniniwala ang ina ng biktima.

“Imposible naman pong kinuyog siya at pinagbabato. Bakit po wala siyang pasa-pasa?” sabi ni Lou sa panayam sa kanya ng ABS-CBN Teleradyo.

“Kaya nga po doon kami nanggigil kung ano-anong pinagsasabi niya. Hindi naman po totoo. ‘Yung mga anak ko, hindi ‘yan mahilig sa away,” dagdag pa ni Lou.

Ayon naman sa Philippine National Police (PNP), may isinampa nang kasong homicide laban kay Pastorin na ngayon ay nakakulong na sa Bacolor Municipal Police Station.

Nangako si PNP Chief Gen. Dionardo Carlos na makakamit ng pamilya ang hustisya para sa biktima.

“I would like to express my sincerest condolences to the bereaved family of Mr. Vasquez and assure them that justice will be served following the due process of the law,” ayon kay Carlos.

(NP)


Spread the news on:

Leave a Reply

Your email address will not be published.