Lorenzana sa China: May hawak kaming papel, kayo wala
Spread the news on:

Binuweltahan ni defense secretary Delfin Lorenzana ang China sa panawagan nitong alisin ng Pilipinas ang BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.

Ayon kay Lorenzana, may karapatan ang Pilipinas sa Ayungin dahil dalawang dokumentong kinikilala ng international community ang magpapatunay na may soberanya ang bansa sa lugar dahil bahagi ito ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.

Ang mga dokumentong ito ay ang 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea, o UNCLOS, at ang 2016 arbitral award, habang wala anomang papeles ang China na basehan ng pag-aangkin nila sa Ayungin shoal.

“Ayungin Shoal lies within our EEZ where we have sovereign rights. Our EEZ was awarded to us by the 1982 UNCLOS which China ratified… Furthermore, the 2016 Arbitral award ruled that the territorial claim of China has no historic nor legal basis. Ergo, we can do whatever we want there and it is they who are actually trespassing,” pagdiriin ni Lorenzana.

Kahapon, Nov. 24, kasunod ng matagumpay na resupply mission para sa BRP Sierra Madre, sinabi ng China sa pamamagitan ni Foreign Ministry spokesman Zhao Lijian na alisin na ng Pilipinas ang barko sa Ayungin shoal.

Ito raw ay base na rin sa naunang commitment ng Pilipinas sa usapin hinggil sa pinagtatalunang bahagi ng South China Sea.

Ang pagpayag umano ng China na matuloy ang resupply mission ay probisyunal lang at ginawa nila sa ngalan ng “humanitarian considerations”.

Pero ayon kay Lorenzana,”As far as I know, there is no such commitment.”

1999 pa nasa Ayungin shoal ang BRP Sierra Madre.

Ayon kay Lorenzana, kung talagang may commitment ang Pilipinas sa isyu, dapat ay noon pa umano ito naialis sa lugar.

Matatandaang noong nakaraang linggo, hinarang ng Chinese coast guard ang resupply boats ng Pilipinas para sa BRP Sierra Madre na ikinagalit ni foreign affairs secretary Teddy Locsin at mga defense official ng bansa.

Agad din naghain ng diplomatic protest ang Pilipinas laban sa China dahil sa insidente.

Si Pang. Duterte, kinondena ang nangyari isang linggo matapos ang insidente.

(NP)


Spread the news on:

Leave a Reply

Your email address will not be published.