DepEd: Walang naitalang COVID-19 case sa unang linggo ng face to face classes
Spread the news on:

Walang naiulat na kaso ng coronavirus disease (COVID-19) sa mga nakilahok na mag-aaral at guro sa pilot run ng face-to-face classes, ayon sa Department of Education (DepEd).

Sa isang virtual press briefing, nagbigay ng update si DepEd Assistant Secretary for Field Operations Malcolm Garma tungkol sa unang linggo ng pilot implementation ng  in-person classes.

“Sa unang linggo ng ating pagpapatupad ng pilot limited face-to-face classes ay wala po tayong naitalang kaso ng COVID-19 sa mga lugar na ito,” ayon kay Asec. Garma.

Bagama’t walang na-detect na Covid-19 cases sa mga public school na nakilahok sa in-person classes, naging malaking hamon naman sa mga eskwelahan ang pagpapatupad ng COVID-19 health protocols, ayon pa sa DEPED nitong Martes, November 23.

“Students, especially those in kindergarten, tend to take off their [face] mask after a short period of time,” according to Education Assistant Secretary Malcolm Garma’s presentation on the first week of the pilot implementation of in-person classes.

Ang kanyang naging presentasyon ay base sa report na isinumite ng 56 na paaralan mula sa 100 na nakilahok sa pilot run ng face to face classes noong November 15.

“Inaasahan po natin ‘yung iba hong paaralan ay makapag-submit na rin within the day,” dagdag pa ni Garma.

Samantala, ipinaliwanag naman ni Garma na mayroong 7,324 mag-aaral at 1,129 teaching and non-teaching personnel ang nakibahagi sa pilot face-to-face classes.

Base sa inisyal na ulat, 43.3 porsyento ng mga mag-aaral na nakilahok sa pilot run ang nasa Kinder hanggang ikatlong baitang habang nasa 25 porsyento naman ang nasa Senior High School (SHS).

Naiintindihan naman ni Education Secretary Leonor Briones na maaaring nag-aalinlangan pa ang ilang mga magulang, mag-aaral, mga guro at ilang lokal na pamahalaan na makilahok sa naturang pilot run.

“There is always that fear at the back of our minds, but we cannot always be afraid of fear, we have to confront it and we have to deal with it, we have to identify where the fear is coming from,” pahayag naman ni Briones.

(Toni Tambong)


Spread the news on:

Leave a Reply

Your email address will not be published.