P1-B fuel subsidy, sinimulan nang ipamigay sa 136K na tsuper
Spread the news on:

Ipinamamahagi na ng gobyerno ang nasa P1 bilyong fuel subsidy para sa 136,000 public utility jeepney (PUJ) drivers kasabay ng patuloy na pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo.

Ang nasabing subsidiya ay nasa ilalim ng Pantawid Pasada Fuel Program (PPP) ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), ayon sa ahensya ngayong Miyerkules, November 24.

Layon ng subsidy na matulungan ang mga tsuper sa gitna ng pagtaas sa presyo ng langis.

“Bagamat nakita natin sa nakaraang ilang linggo, bahagyang bumaba ang presyo ng krudo at gasolina pero mataas pa rin ang presyo kumpara sa umpisa ng taong ito. Kailangang tulungan natin ang transport sector, lalung lalo na ang mga tsuper at operator ng public utility jeepneys,” pahayag ni LTFRB chairman Martin Delgra sa launching ceremony.

“Hindi lang para maibsan ang gastusin sa araw-araw na pagmamaneho pero higit pa para masiguro ang pagpapatakbo ng mga pampublikong sasakyan para sa ating mas nakararaming mananakay,” dagdag pa niya.

Inaasahang makatatanggap ang 136,000 jeepney drivers ng P7,200 kada sasakyan na isang one-time subsidy.

Ipapasok naman ang kanilang ayuda sa kani-kanilang PPP cards.

Ayon naman kay LTFRB NCR Regional Director Atty. Zona Tamayo, maaari lamang gamitin ang subsidy sa pagbili ng langis  sa mga kalahok na petroleum retail outlets o gasoline stations.

Sa kasalukuyan ay nasa siyam na fuel firms ang kalahok sa programa.

Anumang paglabag sa paggamit ng PPP card ay magre-resulta sa diskwalipikasyon ng driver sa pagtanggap ng benepisyo sa ilalim ng naturang programa.

(Toni Tambong)


Spread the news on:

Leave a Reply

Your email address will not be published.