Malakanyang, gustong mamagitan ang PSC sa isyu ng PATAFA vs Obiena
Spread the news on:

Gusto ng Malakanyang na mamagitan ang Philippine Sports Commission (PSC) sa hidwaan sa pagitan nina 2021 Olympian pole vaulter Ernest John ‘EJ’ Obiena at ng Philippine Athletics and Track and Field Association (PATAFA).

Nag-ugat ito sa alegasyon ng PATAFA sa di umano pagbabayad sa serbisyo ng coach ng pole vaulter.

“Inaasahan natin na magiging mas proactive pa ang PSC. We will be closely monitoring the developments,” ayon kay acting presidential spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Nograles.

Ginawa ni Nograles ang panawagan matapos ipagpaliban ng Senado ang deliberasyon ng panukalang budget ng PSC para sa 2022 dahil sa ”wait-and-see approach” nito sa away nina Obiena at ng PATAFA.

“Nagsalita na po ang PSC tungkol sa concern at issue po na ‘yan. Inaasahan natin na mas magiging proactive ang PSC at imo-monitor po natin iyong developments ng concern po na iyan,” sabi pa ni Nograles  sa press briefing.

Una nang sinabi ni Philippine Sports Commission (PSC) chairman William “Butch” Ramirez na sa ngayon, hahayaan muna nila ang PATAFA at si Obiena na resolbahin ang isyu at “they will intervene when it is appropriate”.

Sinabi naman ni Senator Joel Villanueva na siniguro sa kanila ng PSC na aaksyunan ang reklamo ni Obiena laban sa PATAFA.

Inakusahan kasi ng PATAFA si Obiena nang bigong pagbabayad sa kanyang coach na si Vitaly Petrov, mula 2018 hanggang 2021 kasunod ng imbestigasyon ng athletics federations.

Inatasan din ng PATAFA si Obiena na ibalik ang 85,000 euros (P4.8M).

Itinanggi naman ni Obiena ang akusasyon ng PATAFA na dinoktor niya ang isang liquidation report at nagbanta nang maagang pagre-retiro kung hindi hihingi ng dispensa sa kanya ang PATAFA.

“I have all proof of due payments to Mr. Petrov being paid before any of this. I have signed document from Mr. Petrov, that he sent to Patafa, asserting this fact,” giit ng 26-anyos na atleta noong Linggo.

Sa isang report, mismong si Petrov ang nagsabing nabayaran siya nang buo.

“I have been paid the full sum by EJ both directly and indirectly, I have no problem with EJ,” pahayag ni Petrov.

(Toni Tambong)


Spread the news on:

Leave a Reply

Your email address will not be published.