Pagbebenta ng SMS blaster machines sa online shops, ipinapatigil ng NTC
Spread the news on:

(Photo: Pixabay)

Ipinag-utos ng National Telecommunications Commission (NTC) sa Facebook, Lazada at Shopee na itigil ang pagbebenta ng SMS o text blaster machines sa kanilang online selling platforms.

Sa utos ng NTC, wala silang pahintulot na ibinibigay kaugnay sa pag-import, paggawa, pagbenta, at pamamahagi ng nasabing illegal radio equipment.

Ang nasabing pagbebenta ay labag sa Republic Act 3846 o The Radio Control Law.

Napag-alamang pumapalo sa halagang P200,000 hanggang P3 milyon ang naturang devices na kayang makapagpadala ng 100,000 text messages kada oras sa isang lugar nang libre.

“Bongbong Marcos emergency text alert”

Kamakailan ay ipinag-utos ng NTC na imbestigahan ang emergency text blasts na ikinakampanya si dating senador Bongbong Marcos sa pagka-presidente sa 2022 elections.

Taglay ng emergency text alert ang hashtag na #BBM2022.

Kumalat ang naturang emergency text alert habang naghahain ng certificate of candidacy si Marcos sa Sofitel tent ng Comelec sa Pasay City.

Itinanggi ng kampo ng dating senador na sa kanila nanggaling ang emergency text blast, at sinabing isa itong demolition job.

Sinabi naman ng Comelec na kailangang managot ang mga nasa likod ng paggamit ng emergency text alert system sa pulitikal na pangangampanya.

(with report from Toni Tambong)

 


Spread the news on:

Leave a Reply

Your email address will not be published.