Noli De Castro, umatras sa pagtakbong senador
Spread the news on:

(Photo: DZMM Teleradyo)

Iniatras ng brodkaster na si Noli De Castro ang kanyang kandidatura sa pagka-senador sa 2022 elections.

Ito’y wala pang isang linggo matapos niyang i-anunsyo ang kanyang kandidatura sa kanyang programa sa DZMM radio at sa TV Patrol, kasabay ng kanyang pamamaalam sa mga naturang programa.

October 8 nang maghain ng certificate of candidacy si De Castro sa Comelec.

“Nais kong iparating sa lahat ng aking mga kaibigan at supporters na naghahanda na sanang tumulong sa akin, na nagpasiya akong hindi na ituloy ang aking kandidatura,” ayon sa statement ni De Castro.

Ayon kay De Castro, mas makatutulong siya kung mananatili sa larangan ng pamamahayag.

“Hindi nagbabago at magbabago ang ating layunin at hangad para sa bayan. Patuloy tayong magiging boses ng ating mga kababayan, lalo na sa panahong katulad nito na ang boses na iyon ay nalulunod sa ingay ng pulitika at paggamit ng kapangyarihan para sa sariling interes ng iilan,” dagdag na pahayag ni De Castro.

Mensahe kay Mayor Isko

Nagpasalamat din siya kay Manila Mayor Isko Moreno sa pagtanggap sa kanya sa partido.

“Nais ko pong magpasalamat kay Mayor Isko Moreno at sa mga bumubuo ng Aksyon Demokratiko sa ibinigay na tiwala at tulong sa akin sa unang araw pa lamang na maging miyembro ako ng Partido,” giit ni De Castro.

Nanilbihang senador si De Castro noong 2001, at nanalo sa pagka-bise presidente tatlong taon makalipas.

Kilala bilang “Kabayan,” nagbalik siya sa brodkasting noong 2010 bilang anchor ng “TV Patrol” sa ABS-CBN at TeleRadyo sa DZMM.

Reaksyon ni Mayor Isko

Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno, nirerespeto nila ang desisyon ni De Castro na umatras sa pagtakbo sa pagka-senador.

Sa pahayag ni Moreno, pinuno ng partido Aksyon Demokratiko, may mga personal na dahilan si De Castro kung bakit hindi na siya tutuloy sa pagkandidato bilang senador.

Sa kabila nito, umaasa ang Aksyon Demokratiko na ipagpapatuloy pa rin ni De Catsro ang pagtulong sa publiko.

Ayon naman kay Aksyon Demokratiko Chairperson Ernest Ramel, bahagi pa rin ng partido si De Castro, at kukunsulta pa rin sila dating bise presidente lalo na’t marami itong nalalaman pagdating sa usapin ng serbisyo publiko.

(Updated to include statement of Manila Mayor Isko Moreno and Aksyon Demokratiko; with report from Jocelyn Domenden)


Spread the news on:

Leave a Reply

Your email address will not be published.