Senator Bato handang magbigay-daan kay Inday Sara sakaling tumakbong presidente sa 2022
Spread the news on:

Iginiit ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa na  siya ang legal  na pambato ng PDP Laban Cusi Wing para sa 2022 national elections.

Ito ay sa harap nang pagkuwestyun ng ilan sa naging proseso ng pagpili sa kanya para maging standard bearer ng  PDP-Laban Cusi wing.

Una rito, sinabi ni Senador Koko Pimentel na walang nasunod sa national covention ng PDP-Laban Cusi wing kung saan nawalang saysay anya ang kanilang  nomination process.

Pero ayon kay Senator dela Rosa, hindi siya mabibigyan ng certificate of  nomination and acceptance kung hindi dumaan sa proseso ang pagpili sa kanya.

Sinabihan rin niya ang kampo nina senator Pimentel  huwag pakialaman  ang kanilang partido  sa halip ay pakialaman at ayusin na lang nito ang kanilang partido.

Iginiit ni dela Rosa na kwalipikado siya na maging susunod na pangulo ng bansa dahil sa kanyang malinis na  puso at sensiridad.

Ito aniya ang kanyang magiging sandata bilang kandidato sa pagkapangulo.

Handa aniya siyang maging pangulo ng bansa kahit tatlong taon pa lang siyang nanunungkulang senador.

Gayunman, nauna na ring sinabi ni Dela Rosa na hindi niya “plinano o pinangarap” maging pangulo ng bansa at naghain siya ng COC para sa posisyon dahil siya umano ay “good soldier”.

Samantala, aatras naman daw siya o magpaparaya sakaling magpasyang tumakbo si Mayor Inday Sara Duterte at ito ang papalit sa kanya.

Giit pa ni dela Rosa, siya mismo ang kumukumbinsi kay Inday Sara na tumakbo.

Sa katunayan, apat na araw bago ang deadline ng filing ng certificate of candidacy, kausap nya si Inday Sara para himukin na tumakbo.

“Practical lang ako, I am serious encouraging Mayor Sara to run, but I am very serious to run. It doesn’t mean naman na di ka na mag-give way sa more winnable candidate. Kapag di takbo si Mayor Sara talagang lalaban ako,” sabi pa ng Senador.

Hindi naman aniya sinabi ng PDP -Laban na pang reserba lang siya kung sakaling makumbinsi si Mayor Sara.

Pero nasa isip na niya ang posibilidad ng pag-substitute ni Mayor Sara.

Bahala na aniya ang iba na mag-isip kung ito ay mockery o strategy, basta’t legal naman ang substitution.

Matatandaang noong 2015, unang nag-file para sa 2016 presidential elections bilang presidential candidate ng PDP-Laban ang ngayo’y DILG undersecretary Martin Dino.

Pero, umatras si Dino at naghain ng kanyang COC sa pagkapangulo si Pang. Duterte bilang substitute candidate.

Kung hindi naman makumbinsi si Mayor Sara na tumakbo, hindi siya basta aatras kung mag-e-endorso ng ibang kandidato ang PDP Laban.

Sakaling manalo siya sa pagkapangulo, sinabi ni dela Rosa na bilang pagtanw ng utang na loob ay tutulungan niya si Pangulong Rodrigo Duterte kung totohanin ng ilang grupo ang banta na sampahan si Duterte ng mga kaso matapos ang kanyang termino.

(Estrella Bueno)

 

 


Spread the news on:

Leave a Reply

Your email address will not be published.