Pilipinas, umangkat ng 60k metric tons ng isda mula China at Vietnam para mapigilan ang pagtaas ng presyo sa lokal na merkado
Spread the news on:

(Photo Courtesy: PNA/Joey O. Razon)

Darating na sa bansa ngayong linggo ang mga imported na isda, ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources.

Ang mga nasabing isda ay unang shipment pa lamang  ng mga isdang inangkat ng Pilipinas.

Ito ay parte ng 60,000 metric tons ng isda na inangkat ng Pilipinas ngayong huling kwarter ng taon para hindi tumaas ang presyo nito sa merkado.

“Tayo po ay nag-aangkat kasi off-fishing season po ngayon,” sabi ni BFAR director Eduardo Gongona sa panayam sa ABS-CBN Teleradyo ngayong Lunes, October 11.

“Bilang bahagi ng conservation measures, kailangan natin palakihin ‘yung mga isda sa ngayon bago sila hulihin. Para mapunuan ‘yung kakulangan, kailangan tayong mag-angkat,” ayon kay Gongona.

Kabilang sa mga inangkat na isda ay mga small pelagic kagaya ng galunggong, matambaka, at tulingan.

Ang mga imported na isda ay manggagaling sa mga bansang China at Vietnam, sabi ni Gongona.

Sa kasalukuyan, nasa P220 hanggang P240 ang presyo ng kada kilo ng galunggong.

Matatandaang inaprubahan naman ni Department of Agriculture Secretary William Dar noong August ang pag-issue ng certificate of necessity to import para sa pag-angkat ng isda dahil sa pagsasara ng fishing season.

Nagsisimula ang off-fishing season sa bansa sa buwan ng November.

(NP)


Spread the news on:

Leave a Reply

Your email address will not be published.