Aktor na si Jake Cuenca, arestado matapos banggain ang police mobile
Spread the news on:

(Photo Courtesy: Instagram photo via PNA)

Inaresto ng mga operatiba ng Eastern Police District (EPD) ang aktor na si Jake Cuenca.

Ito ay matapos niyang mabangga ang police mobile sa Mandaluyong City na tinakbuhan umano ng aktor noong Sabado ng gabi, October 9.

Base sa ulat, dumaan umano ang minamanehong SUV ni Cuenca at nabangga ang police mobile.

Pero sa halip na huminto ang aktor, nagtuluy-tuloy pa rin siya sa pagmamaneho. Hinabol ng mga pulis ang sasakyan hanggang maabutan sa bahagi ng Shaw Boulevard sa Pasig City.

“Last night at about 9 pm, may dumaan na sasakyan, unfortunately tinamaan ang sasakyan ng mga pulis natin at hindi tumigil ang sasakyan,” pahayag ni EPD Director Police Brigadier General Matthew Baccay.

“Hinabol ng mga pulis natin hanggang sa nakarating sa area ng Pasig sa may Shaw and when confronted, nakita na ang driver ng sasakyan ay ang aktor na si Jake Cuenca,” dagdag pa ni Bacay.

Ayon pa kay Baccay, habang hinahabol ang aktor ng mga pulis ay pinaputukan ang gulong ng SUV dahilan naman para tamaan ng stray bullet ang isang grab driver.

Dagdag pa ni Baccay na nasa maayos na ang kondisyon ng grab driver.

Sasampahan naman si Cuenca ng kasong reckless imprudence resulting in damage to property ng Mandaluyong City Police.

(Jocelyn Domenden)

(Photo Caption: Larawan ng sasakyan ng aktor na si Jake Cuenca)


Spread the news on:

Leave a Reply

Your email address will not be published.