SEN. HONTIVEROS: POGO, DAPAT I-BAN; HINDI LANG BUWISAN
Spread the news on:

(Photo Courtesy: Screengrab from PNA)

Pinuna ni Senador Risa Hontiveros ang bagong pirmang batas ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagbubuwis sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).

Ayon kay Hontiveros, hindi sapat na buwisan lamang ang mga POGO,  bagkus ay dapat tuluyang pagbawalan ang industriya sa bansa para matigil na rin ang krimen na kinasasangkutan ng mga empleyado nito.

“Hindi na nga matulungan ang ekonomiya ng Pilipinas, patuloy pa ang dinadalang mga ilegal na aktibidad, mula illegal recruitment hanggang kidnapping. Dahil ilegal ang online gambling sa China, kadalasan promoter niyan mga kriminal at sindikato galing din sa China,” sabi pa nii Hontiveros.

“Nananatili ang panawagan kong paalisin na ng tuluyan ang mga POGO sa ating bansa. Dapat pagtuunan ng pansin ng gobyerno ang pagpapabalik ng kabuhayan sa ating mga mamamayan, hindi ang pagsusuporta sa negosyo ng mga POGO,” pahayag pa ng senadora.

Giit ni Hontiveros, umabot sa P1.36 billion ang utang ng POGO sa gobyerno ng Pilipinas  ayon sa ulat ng Commission on Audit.

“Hindi biro ang bilyon-bilyong pera na maaaring magamit sana sa pagpapatakbo ng ekonomiya at pagbabalik ng trabaho para sa mga Pilipino,” dagdag pa ni Hontiveros.

Matatandaang una nang pinirmahan ni Duterte noong Miyerkules, September 22, ang Republic Act 11590 o ang An Act Taxing POGOs.

Ang batas na ito ay naglalayong i-regulate ang lahat ng uri ng legal gambling at pagbawalan ang iligal na gambling operation, ayon naman kay Presidential Spokesman Harry Roque.

Sa ilalim ng RA 11590, ang halos 60 percent ng total revenue na makokolekta mula sa POGOS ay ilalaan para sa implementayson ng Universal Health Care Act, sabi pa ni Roque.

Nakasaad din sa batas na kailangang magbayad ang POGO operators ng 5% na gaming tax at 25% withholding tax sa mga dayuhang empleyado.

(Toni Tambong)

 

 


Spread the news on:

Leave a Reply

Your email address will not be published.