NBI, IIMBESTIGAHAN ANG UMANO’Y ANOMALYA SA “TUPAD” PROGRAM NG DOLE

(Photos: Dong del Mundo)

Iimbestigahan  na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang reklamo ng  anomalya sa ‘pagtapyas’ sa ayuda ng mga beneficiary ng TUPAD o Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers program ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Nauna nang nagsagawa ng imbestigasyon ang DOLE kung saan natuklasan na ang dapat sanang P7,500 ay P1,000 na lamang ang natatanggap ng isang benipisyaryo sa  Brgy. Batasan Hills, Quezon City.

Natuklasan din ng DOLE na ang mga nakatanggap ng ayuda ay hindi naman naglilinis sa kalye bilang isang pamantayan para makatanggap ng TUPAD assistance.

“Maliwanag na ang tulong na ayuda ay dapat may trinabaho ka pero kung wala ka naman trinabaho wala kang dapat na asahan na ayuda,” ayon kay Labor Secretary Silvestre  Bello III.

Sa ngayon, katuwang ng DOLE ang NBI sa pagkuha ng pahayag sa mga nakakuha ng ayuda sa Brgy. Batasan Hills.

Paliwanag naman ni Brgy. Captain Jojo Abad ng Brgy. Batasan Hills, hindi dumaan sa kanilang tanggapan ang ipinatutupad na programa ng DOLE at walang kinalaman ang kanilang barangay sa pamamahagi nito.

(Jocelyn Domenden)

(Photos: Dong del Mundo)

Leave a Reply

Your email address will not be published.