G! WITH RIZZA DIAZ: All For One

Hindi kaila na nahirapan ang PBA sa muling pagbubukas ng liga, maraming health restrictions, protocols at ang papalit-palit na quarantine status sa bansa dulot ng pandemya.

Aminado maski si PBA commissioner Willie Marcial na hindi madali ang kanilang gustong mangyari dahil na rin sa mga nabanggit na dahilan at idagdag na ang gastusin.

Pero kung gusto may paraan, kaya naman naisip ni Ginebra veteran LA Tenorio na kausapin ang kanyang mga kaibigan sa ibat-ibang team para mag-isip sila ng paraan para matuloy ang PBA.

Naikwento ni Tenyente na una niyang tinawagan ang kanyang mga Gilas teammates na sina Paul Lee ng Magnolia, Gabe Norwood at Beau Belga ng Rain or Shine, ang kanyang kumpare at TNT star Jayson Castro at si Kiefer Ravena ng NLEX.

Mula sa kanilang maliit na grupo ay nakabuo sila ng Viber group na kasama ang mga team captain ng 12 teams ng PBA.

Napagkasunduan nila na akuin ang ilan sa bayarin ng team, kagaya ng food at iba pang gastos. Para sa kanila, maliit na bagay ito para makatulong na rin sa PBA at makapagbigay saya sa mga fans lalo ngayong panahon ng pandemya.

Bukod sa mga nabanggit at mga team captain, si Arwind Santos ay nag-volunteer na kausapin si Pampanga governor Dennis Pineda at ngayon ay back in action na ang PBA sa Don Honorio Ventura State University (DHVSU) gym sa bayan ng Bacolor.

Masayang makita na ang mga idol ng bayan ay hindi lang nagbibigay saya sa atin, kundi may malasakit din sa liga.

Dito natin makikita na magkakalaban man sila sa court ay nagkakaisa sila para sa ikabubuti at ikauunlad ng PBA.

Leave a Reply

Your email address will not be published.