PAGEANT TOWN WITH JOEE GUILAS : URONG-SULONG ANG MISS WORLD PHILIPPINES

Napapakamot na lang ng ulo ang mga tagasubaybay ng Miss World Philippines sa Pageant Town.  Ilang beses na rin kasing naantala ang pinakahihintay na coronation night ng kumpetisyon.  Kamakailan lamang, matapos i-anunsyo na matutuloy na finally ang coronation nito sa September 19 sa Olongapo, kumalat na naman ang balitang false alarm na naman ang sinasabing itinakdang pagtatapos ng pageant.

Michelle Dee, Miss World Philippines 2019

Nauna nang na-schedule ang coronation ng MWP noong July 25 pero dahil nag-deklara noon ang Inter-Agency Task Force against COVID19, ng GCQ with heightened restrictions, iniurong muna ang naturang grand event sa August 8.  Matapos lumala ang pagdami ng kaso ng COVID19 dahil sa delta variant nito, hindi pa umaabot sa August 8 ay kinailangan nang magpasabi ng MWPO ng indefinite postponement nito.  Makalipas ang ilang linggo, kung saan dumaan ang National Capital Region sa mahigpit na Enhanced Community Quarantine (ECQ) and Modified ECQ, muling nagpasabi ang MWPO ng matutuloy na ang koronasyon sa September 19 sa Olongapo. Bagamat nag-bigay excitement ang naturang balita sa natitira pang 44 candidates ng Miss World Philippines, nagulat na naman ang lahat ng kumalat ang balitang hindi na naman matutuloy ang Olongapo event.

Sa tagal ng urong sulong na pagtatakda ng Miss World Philippines para sa finals nito ay kinailangan na nitong magdeklara ng isang title holder nito bago pa man magtapos ang kumpetisyon.  Ito ang dahilan kung bakit pinili na lang sa pamamagitan ng botohan si Dindi Pajares para maging kinatawan ng bansa sa Miss Supranational Pagent 2021 sa Poland.  Sa kabutihang palad ay nakapasok naman ito sa Top 12.

Sa ngayon, ang huling balita ay matutuloy pa rn daw ang finals ng Miss Wolrd Philippines sa September 19, pero malamang na ganapin ito sa Okada Manila.    Sana nga ay makita na ng lahat ang pagtatapos ng pageant lalupa’t papalapit na nang papalapit ang international finals ng Miss World 2021 na gaganapin naman sa Puerto Rico bago matapos ang taon.

Leave a Reply

Your email address will not be published.