DALAWANG TAONG GULANG NA BATA, KAUNA-UNAHANG DELTA VARIANT CASE SA ZAMBALES; GRANULAR LOCKDOWN, IPATUTUPAD SA PROBINSYA
Spread the news on:

Nakapagtala ng kauna-unahang Delta variant ng COVID-19 ang Zambales.

Ayon sa ulat, sinabi ni  Zambales Governor Hermogenes Ebdane Jr. na ang naturang kaso ay isang dalawang taong gulang na batang babae.

Ayon kay Ebdane, ang ina ng bata ay isang nurse na unang nahawa ng virus noong July 28.

Wala namang naitalang anumang sintomas ang bata.

Ipinadala aniya  sa  Philippine Genome Center ang sample noong Aug. 5 at ang resulta ay lumabas lamang noong August 23.

“‘Yung natanggap ‘yung resulta ng PGC, we decided to put them on additional restriction. Hanggang ngayon nandoon pa ‘yung mag-aama sa quarantine center at nag-request kami na magpadala uli ng specimen sa genome center.”

Nagtataka naman ang mga local authorities kung bakit ang sanggol lamang  ang tinamaan ng virus at hindi ang iba pang miyembro ng pamilya.

“Ipatutupad natin ulit ang mahigpit na curfew bawat barangay para wala nang lalabas. We also discouraged the holding of birthdays, weddings, and other parties sa mga bayan-bayan,” ayon pa kay governor Ebdane.

Nagkasundo rin ang mga lokal na opisyal na ilagay sa granular lockdown ang lalawigan matapos ma-detect ang unang kaso ng Delta variant sa lugar.

“Nagpa-meeting ako ng mga mayors at municipal health officers, ang napagkasunduan ay magkaroon ng granular lockdown,” sabi pa ni Ebdane sa panayam sa PTV-4.

Sa ngayon ang Zambales ay nakapagtala na ng 892 active COVID-19 infections, ayon pa kay Ebdane .

Ayon pa kay Ebdane, ang granular lockdowns ay ipatutupad simula sa August 29 sa Munisipalidad ng Masinloc.

Sa ilalim ng granular lockdowns, ang local government units ay mas maghihigpit sa galaw ng mga residente sa isang lugar.

Sinabi ng Department of Health na ang pagpapatupad ng lockdown ay makatutulong para sa mas aktibong pagtukoy sa mga kaso.

“We will be strict sa entry sa borders. Pinapatupad ulit natin ang mahigpit na curfew—bawat barangay. We have discouraged the holding of birthdays, other parties sa mga bayan bayan,”  dagdag pa ng gobernador.

Kaugnay nito, nauna nang sinabi ng Department of Health na ipinapalagay nang mayroon na ngang local transmission  sa mga komunidad sa bansa dahil sa mabilis na pagsirit ng mga kaso.

Iniulat ng Zambales ang unang kaso ng nakahahawang Delta variant noong Biyernes.

Ang mga magulang ng bata at close contacts ng bata ay naka-quarantine na sa ngayon.

Nagsisimula na rin ang contact tracing kaugnay ng nasabing kaso.

 

(with reports from Jocelyn Domenden)


Spread the news on:

Leave a Reply

Your email address will not be published.