BAN SA CASINO, BINAWI NA NI DUTERTE; MGA BAGONG OPERATOR, PWEDE NA ULIT MAG-OPERATE SA BANSA

(Photo Courtesy:  RTVM FB)

Inalis na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ‘three-year-old ban’ sa pagpasok ng mga bagong casino sa bansa.

Ito ang naging pahayag ni Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR) chairman Andrea Domingo.

“He (Pangulong Duterte) announced it in public so that is now the current policy,” sabi  ni Domingo sa GMA News Online.

“He said he will allow casinos in Boracay.”

Matatandaang noong Hulyo ay sinabi rin ni Pangulong Duterte na pabor siyang taasan ang pondo ng gobyerno mula sa Philippine Offshore Gaming Corporations(POGO) at casinos.

Dahil sa bagong kautusan ng Pangulo ay sinabi rin ni Pagcor Chief Andrea Domingo, na magsisimula na silang magproseso ng mga bagong aplikante ng casino operations,  makalipas ang tatlong taon mula nang mag-isyu ng moratorium ang pangulo.

“Si Presidente ang nag-issue ng moratoruim noong 2018 kaya ‘ang ginawa namin walang bagong applications kaming tinanggap. Ngayon ni-lift na rin niya kaya pwede na ulit kaming tumanggap ng applications for casino licenses,”  sabi ni Domingo sa isang text message.

“I will implement this new policy effectively but coupled with a strong responsible gaming project primarily aimed at preventing minors from playing,”  dadgdag pa ni Domingo.

Una nang sinabi ni Domingo na ipinatigil ni Duterte ang pakakaroon ng mga bagong casino operations noon para maiwasan ang overcrowding sa gaming industry.

Samantala, aminado ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), na malaki ang nawalang kita ng korporasyon dahil sa pandemya .

Ayon kay Domingo, higit pa sa kalahati ang nawala sa kanilang total income dahil sa pandemyang kinakaharap ngayon ng  bansa.

Aniya, umabot lamang sa  P36 bilyon ang total income ng PAGCOR sa 2020 na malayo sa P104.65 bilyon noong 2018 at P81.97 bilyon noong 2019.

Bumagsak din ang kita ng PAGCOR kaya apektado rin ang kontribusyon nito sa nation-building na umabot lamang sa P21.62 bilyon noong 2020.

Target naman ng PAGCOR sa 2022 na maitaas sa P50.75 bilyon ang kita at P33.19 bilyon naman ang kontrobusyon na maibibigay para sa proyekto ng gobyerno.

Matatandaang noong August 2018 ay iniutos ni Duterte ang pagpapatigil sa pag-iisyu ng mga bagong lisensya sa mga casino.

Ginawa niya ang anunsyo  matapos sibakin ang mga opisyal ng Nayong Pilipino Foundation dahil sa pagpasok sa isang maanomalyang kontrata sa isang Chinese casino operator, ayon sa report ng Rappler.

Sinabi rin ni Duterte noon na ayaw niya ng sugal.

“I will not allow it. I hate gambling, I do not want it,” dagdag pa ng Pangulo.

 

(Toni Tambong/Jocelyn Domenden)

 

 

 

 

 

 

Leave a Reply

Your email address will not be published.