G! WITH RIZZA DIAZ : GO FOR GOLD, CARLO PAALAM

Walang magpapaalam!

Muling sasabak sa loob ng ring ang ating pambato sa boxing na si Carlo Paalam kontra kay Galal Tafai ng Great Britain ngayong hapon, 1PM.

Ito ang ating huling pag-asa para sa inaasam na pangalawang ginto ng Pilipinas ngayong Tokyo Olympics matapos magtagumpay ni Hidilyn Diaz sa weightlifting.

Ang magiging panalo ni Paalam sa men’s flyweight ay isang magandang panapos sa maituturing na most successful Olympic campaign ng Pilipinas mula noong sumali ang bansa sa Summer Games noong 1924.

Bukod sa medalya, isang malaking morale boost ito para sa mga Pilipino na matagal nang lugmok sa kahirapan at lalo pang naghihirap dahil sa pandemya.

Si Paalam din ay isang matuturing na inspirasyon para sa mga Pilipino, lingid sa kaalaman ng lahat na noon ay namumulot siya ng basura bago siya nadiscover para mag boxing.

Sa puso ng 23-year old na boksingero, walang laban ang mahirap, walang pagsubok ang di niya kakayanin at walang makakahadlang na abutin niya ang kanyang pangarap.

Sa edad na 23, ipinamalas ni Paalam ang kanyang tapang at tatag sa loob ng ring. Isa-isa niyang nalampasan ang kanyang mga kalaban na sina Brendan Irvine ng Ireland para umpisahan niya ang kanyang kampanya sa Tokyo.

Sunod niyang nadispatsa si Mohamed Flissi ng Algeria, hindi siya nagpa-awat nang labanan niya ang reigning Olympic, world, at Asian champion na si Shakhobidin Ziorov ng Uzbekiztan at ang hometown bet na si Tanaka Ryomei para umabante sa gold medal match.

Mula sa pamumulot ng basura, abot-kamay na ni Paalam ang kanyang mga pangarap para kanyang sarili, pamilya at sa bayan.

Go for gold, Carlo Paalam!

Leave a Reply

Your email address will not be published.